Nilinaw ng kampo ni dating Negros Oriental Congressman Arnolfo “Arnie” Teves Jr. na walang special treatment sa dating mambabatas habang nakakulong sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
Ayon sa legal counsel ni Teves na si Atty. Ferdinand Topacio, pumayag silang tumalima sa lahat ng rules para sa mga preso kabilang ang pagshi-share ng kulungan ni Teves sa ibang preso.
Ito ay para maiwasan aniya ang anumang posibleng pagbatikos laban kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago na nauna ng sinabi sa isang presser kahapon na pansamantalang ikukulong si Teves nang mag-isa sa Building 14 ng Bilibid.
Ayon pa kay Atty. Topacio, tulad ng ibang kulungan, makakasama ni Teves ang iba pang inmate sa isang 10 square meter cell na may bunk bed, iisang toilet at maliit na electric fan.
Matatandaan, tuluyang napadeport si Arnie Teves sa Pilipinas noong Huwebes matapos muling maaresto ng mga awtoridad sa Timor-Leste kung saan siya humingi ng asylum.
Dinala si Teves sa NBI headquarters sa Maynila gabi ng Huwebes kung saan siya sumailalim sa booking procedure at medical examination. Hapon ng Biyernes, inilipat si Teves sa Building 14 ng Bilibid.
Matatandaan, patung-patong na kaso ang kinakaharap ni Teves sa Pilipinas kabilang na ang Pamplona massacre kung saan siya ang itinuturong utak sa pagpaslang kay dating Negros Oriental Governor Roel Degamo at 9 na iba pa.