-- Advertisements --

Nagsalita na ang kampo ng pamunuan ng kontrobersiyal na resort na Captain’s Peak Garden and Resort na itinayo sa loob ng Chocolate hills sa probinsiya ng Bohol.

Ipinaliwanag ng resort manager na si Julieta Sablas, nabigyan sila ng permiso para sa konstruksiyon ng commercial area.

Wala din aniyang giniba na burol sa dinarayong tourist spot.

Hindi din nito napigilan na masaktan sa nababasang negatibong komento kaugnay sa resort.

Ang kapatid ni Julieta na si Edgar Buton ay siyang may-ari ng resort.

Noong 2005, binili ni Edgar ang naturang area na may 6 na ektaryang lupain at 3 burol. Kalahati ng lupain ay ginamit para sa resort.

Sinabi naman ni Julieta na noong 2018, binigyan sila ng DENR-Protected Area Management Board ng approval at sa sumunod na taon, nakakuha sila ng business permit mula sa lokal na pamahalaan ng Sagbayan.

Noong 2022 naman nang binuksan nila sa publiko ang resort.

Iginiit pa naman ni resort manager na hindi sila papayag na tuluyan ng ipasara ang resort dahil malaki na ang na-invest nilang magkapatid at inihayag na sa oras na maaprubahan ang kinakailangang Environmental Compliance Certificate (ECC), ibabalik ang operasyon ng resort.

Samantala, nag-request na ang Senado ng imbestigasyon kaugnay sa permits na ibinigay umano sa naturang establishimento.

Sa kasalukuyan, tigil-operasyon na ang resort matapos ang inisyung cease and desist order ng DENR.