Agad daw hihirit ang kampo ng napaslang na brodkaster na si Percy Lapid ng isa pang round ng preliminary investigation kapag natapos ang ikalawang pagdinig dahil sa dami ng kanilang ihahaing dokumento.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Atty. Berteni Causing, spokesperson ng Mabasa family, sinabi nitong hindi sapat ang dalawang araw lamang na pagdinig bago ideklarang submitted for resolution ang kaso.
Ang ikalawang round ng preliminary investigation ay isasagawa sa Nobyembre 4 sa Department of Justice.
Kung maalala, noong Oktubre 4 nang isagawa nang unang pagdinig at present dito ang self confessed gun man na si Joel Escorial.
Hindi naman nakadalo ang kapatid ni Percy na si Roy Mabasa dahil daw sa mga natatanggap niyang banta sa buhay.
Dahil dito, dudulog daw ang kampo ng abogado sa Kongreso at sa Senado para tugunan ang naturang problema.
Una rito, sinabi ni Atty. Causing na hindi sila kumbinsido sa paglutang ng ilang personalidad na gustong tumestigo sa krimen.
Tinawag pa ng abogado na panggulo ang mga lumulutang na mga testigo kasama na si alyas Marissa na umano’y kapatid ng napaslang na inmate ng New Bilibid Prison (NBP) na si Jun Villamor.
Sa ngayon, mayroon nang walong persons of interest ang hawak ng Department of Justice (DoJ) kaugnay ng krimen.
Mayroong kabuuang 160 persons of interest sa krimen at kasama na rito ang suspendidong si Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag.