-- Advertisements --

Ipinag-utos ngayon ng Philippine National Police (PNP) sa Highway Patrol Group (HPG) na paigtingin pa ang ginagawang operasyon nito laban sa mga sasakyang walang plate number at nag i-improvise ng plate number.

Ito ay bilang bahagi parin ng kampanya ng pulisya laban sa kriminalidad at traffic violations sa gitna ng kaliwa’t kanang mga ulat na mayroon umanong isang puting van ang ginagamit ng mga masasamang loob para sa kanilang kidnapping. n

Inilabas ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr. ang direktibang ito kahit na una nang na-berepika ng National Capital Region Police Office na hindi totoo ang naturang mga alegasyon matapos na umamin ang umano’y biktima na gawa-gawa lamang ang kaniyang istorya na sinubukan siyang dukutin ng tatlong armadong lalaki na sakay ng isang puting van sa Caloocan City.

Paliwanag ni Azurin, sa kabila aniya ng lahat ng ito ay kinakailangan pa rin aniyang mas paigtingin pa ng pulisya ang kanilang operasyon upang matunton at mapigilan na rin ang krimen na carnapping ngayon sa bansa.

Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na rin ang PNP sa Land Transportation Office (LTO) bilang bahagi pa ng pagpapatibay ng kanilang kampanya kontra car theft.

Samantala, una rito ay ipinag-utos na rin ni Azurin na paigtingin pa ang cyber patrolling sa bansa hinggil sa mga kumakalat na videos ngayon ng mga krimen na nagtataglay ng maling impormasyon at nagdudulot ng takot, panic, at misinformation sa taumbayan.

Kasabay ito ng kaniyang panawagan na rin sa publiko na palaging mag-ingat sa kung mga bagay na pino-post sa social media at iwasan ang pagkakalat ng mga unverified information mula sa hindi kilalang mga mapagkukunan na maaaring humantong aniyang humantong sa public disturbance at kalituhan.