KORONADAL CITY – Usap-usapan ang isang bagong silang na kambing na may kakaibang hitsura sa bahagi ng Barangay Topland sa Lungsod ng Koronadal.

Ayon sa mga nakakita, ang naturang kambing ay may isa lamang na malaking mata na maihahambing sa karakter na cyclops.

Dahil sa kakaibang mukha ng kambing, marami ang nagtaka sa may-ari nito at mismong mga residente sa lugar.

Ayon kay Christian Bacas Dacquel na kapatid ng may-ari ng hayop, parang “alien” ang mukha nito at ngayon lamang sila nakakita ng nasabing uri ng kambing.

Ngunit ayon kay City Veterinarian Charlemaigne Calo, posibleng may abnormalidad ang kambing dahil sa excessive genes dulot ng congenital abnormalities ng hayop.

Ayon naman sa iba pang veterinarians, normal lamang na mangyari ang ganitong insidente kapag may abnormalidad na nararanasan.