Target ng Kamara na paagahin ang plebesito para economic Charter Change o Cha-Cha.
Ang pahayag ay kasunod ng sinabi ng kilalang election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal na “unconstitutional” kapag isasabay ang plebisito sa cha cha sa 2025 midterm elections.
Ayon kay House Deputy Speaker David Suarez, “welcome” sa Kamara ang statement ni Atty. Macalintal.
Sinabi ni Suarez na hindi magandang hayaan na ang Konstitusyon ay mapolitika o madawit sa “mudslinging;” at masyadong mahalagang usapin ang Saligang Batas na dapat ay bukod pagdating sa botohan.
Dahil sa pahayag ni Atty. Macalintal, naniniwala si Suarez na may legal na basehan ang Kamara para igiit ang pagdaraos ng plebesito na mas maaga sa May 2025 elections; at sana’y maliwanagan dito ang mga senador.
Kinatigan ito ni Zambales Rep. Jefferson Khonghun, at sinabing mas maganda na gawing mas maaga ang plebesito dahil bukod sa mahirap kung nadadamay sa politika ang ating Konstitusyon, mahalaga na maintindihan, maunawaan, at maisapuso ng ating mga kababayan ang usapin.
Sa panig naman ni Bataan Rep. Geraldine Roman, kaniyang sinabi na hindi mabuting sabay ang plebesito at eleksyon, kaya paalala niya sa Senado maging mabilis ang trabaho.