-- Advertisements --

Layon ng mababang kapulungan ng Kongreso na makapaghain at mapabilis ang approval sa panukalang batas na magpapalawig sa validity ng Bayanihan to Recover as One Act, ayon kay Majority Leader Martin Romualdez.

Magdodoble kayod din aniya ang Kamara para maaprubahan ang mga panukalang batas na tinukoy bilang priority bills sa ilalim ng Duterte administration para mapalakas ang ekonomiya, at protektahan ang mga Pilipino laban sa impact ng COVID-19 at mga nagdaang kalamidad.

“Speaker Lord Allan Velasco wants to place in the front burner all economic and anti-poverty measures so we can approve the President’s priority measures before the onset of the election season next year,” ani Romualdez.

Kabilang sa mga priority bills na aito ay ang House Bill No. 7904 o ang amiyenda sa Anti-Money Laundering Act; House Bill No. 7749 o ang Government Financial Institutions Unified Initiatives to Distressed Enterprises for Economic Recovery (GUIDE); House Bill No. 7425 o ang Digital Transactions Value Added Tax; House Bill No. 7406 o ang Bureau of Fire Protection (BFP) Modernization Program; House No. 6135 o ang Fiscal Mining Regime; at House Bill No. 7425 o ang Internet Transactions Act/E-Commerce Law.

Bukod sa mga panukalang batas na ito, sinabi ni Romualdez na bibilisan din ng Kamara ang approval sa iba pang mga legislative measures na bahagi ng prioritu bills na binanggit ni Pangulong Duterte sa kanyang State of the Nation Address.

Kabilang na rito ang proposed P4.5-trillion national budget, na inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa bago ang kanilang break noong nakaraang buwan at kasalukuyang tinatalakay naman sa Senado.

Umaasa sina Speaker Lord Allan Velasco na maratipikahan ng Kamara at Senado ang panukalang pondo para sa susunod na taon bago pa man ang kanilang Christmas break.

Dagdag pa ng lider ng Kamara, ang proposed budget sa susunod na taon ay maituturing na “single-most powerful tool” para labanan ang COVID-19 at matulungan ang ekonomiya at publiko na makabangon sa epekto ng pandemya.