Nakalikom ang mga pinuno at miyembro ng House of Representatives ng P35 milyon na pledges at donations para matulungan ang national at local government units na magbigay ng relief goods sa mga biktima ng Tropical Storm Paeng.
Ayon kay Speaker Martin Romualdez ang nasabing inisyatiba ay pinangunahan ni Rep. Zaldy Co ng party-list Ako Bicol na namumuno sa House appropriations committee, kung saan marami pang iba, kabilang ang mga pribadong indibidwal, ang nagpadala ng mga donasyon para sa relief drive.
Kabilang sa mga nangako ng pondo ay ang mambabatas-asawa ni Romualdez na si Yedda Marie ng party-list Tingog, chairperson ng House committee on accounts; at sina Reps. House Majority Leader Ferjenel Biron (Iloilo), Jayjay Suarez (Quezon), Lord Allan Velasco (Marinduque), House Majority Leader Mannix Dalipe (Zamboanga), Emmanuel Billones at Jane Castro ng Capiz, Teddy Haresco at Carlito Marquez ng Aklan, Bai Dimple Mastura (Maguindanao) at Sittie Aminah Dimaporo (Lanao del Norte).
Sinabi ni Basilan Rep. Mujiv Hataman, sa kanyang panig, ay nagpaabot ng kanyang pakikiramay sa mga nawalan ng mahal sa buhay, at kasabay nito ay nanawagan sa pambansang pamahalaan at mga kinauukulang ahensya, kasama ang pribadong sektor, na magpadala ng agarang tulong sa BARMM na sinalanta ng bagyo.
Bukod sa P35 milyon, nakatanggap din ang Speaker ng pangako ng tulong mula sa pribadong sektor, na nakatuon sa pagtulong sa paggawa ng mga kinakailangang relief packs para ipamahagi sa lahat ng nasalanta ng bagyo, mula Mindanao hanggang Luzon.