-- Advertisements --

Naglaan si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ng P35 million para sa mga pamilyang apektado ng malaking sunog sa Puerto Princesa City sa Palawan.

Si Romualdez ang tumatayong caretaker ng ikatlong distrito ng Palawan kasunod ng pagpanaw ni Rep. Edward Hagedorn.

Nitong umaga ng Miyerkules, sumiklab ang sunog sa Barangay Pagkakaisa at Barangay Bagong Silang, na tumupok sa apatnaraan at limampu (450) na bahay, at naka-apekto sa siyamnaraan at dalawampung (920) pamilya.

Sinabi ni Speaker, inendorso niya ang alokasyon ng pondo sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act.

Kabilang dito ang probisyong “ayuda” na nagkakahalaga ng P10,000 kada pamilya, sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS program ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.

Siniguro naman ni Romualdez na nakahanda palagi ang pamahalaan na magkaloob ng agaran at epektibong tulong at suporta sa mga biktima, para sa kanilang pagbangon kasunod ng trahedya.

Nakikipag-ugnayan na rin ang opisina ni Romualdez at Tingog Partylist sa DSWD para sa kaukulang ahensya at lokal na pamahalaan ng Puerto Prinsesa para sa distribusyon ng mga food pack.

Ang nasabing pondo ay mula mula sa Personal Calamity Assistance Fund.