-- Advertisements --

Aabot sa P65.5 billion ang amiyendang ginawa ng Kamara sa P5.024 trillion proposed 2022 national budget para mapondohan ang mga priority programs sa ilalim ng COVID-19 pandemic, kabilang na ang pagbili ng karagdagang bakuna kontra COVID-19 at booster shots.

Pero hindi binanggit ni House Committee on Appropriations chairman Eric Yap kung anong mga programa ng pamahalaan sa 2022 ang magdurusa sa budget cuts bilang resulta ng realignment na ginawa nila sa mababang kapulungan ng Kongreso.

Hindi rin niya binanggit kung magkano ang kabuuang halaga ang nakalaan sa mga recipient programs kasunod nang pagdagdag ng alokasyon sa mga ito.

Ayon kay Yap, sa kanilang amiyenda, ang Department of Health ay makakatanggap ng 29.5 billion na karagdagang allokasyon.

Sa naturang halaga, P20 billion ang mapupunta sa pagbili ng COVID-19 vaccines at booster shots; P5 billion para sa Medical Assistance to Indigent Patients program; at P4.5 billion naman para sa Special Risk Allowance ng mga qualified public at private workers.

Ang Department of Laborand Employment ay makakatanggap ng karagdagang P10 billion para sa Tulong Pangkabuhayan sa Ating Disadvantaged or Displaced Workers Program (TUPAD) nito.

Karagdagang P11 billion naman ang inilalaan para sa Department of Social Welfare and Development, na gagamitin para sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (P10 billion) at Sustainable Livelihood Program (P1 billion).

Samantala, P6 billion ang mapupunta sa Department of Transportation para sa implementasyon ng Service Contracting Program.

Apat na state universities at colleges naman sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang makakatanggap ngayon ng P504 million budget dahil sa amiyendang ito ng Kamara.

Ang Department of Information and Communication Technology ay mayroong karagdagang P3 billion, habang P5.5 billion naman sa Department of National Defense para gamitin sa pagbili ng limang units ng C-130 J planes.

Iginiit ni Yap na mahalaga ang Fiscal Year 2022 para sa full recovery ng bansa sa kalbaryong idinulot ng COVID-19 pandemic.