-- Advertisements --

Ipagpapatuloy ng Kamara hanggang Biyernes, Hunyo 5, ang kanilang plenary session para aprubahan ang ilan pang natitirang anti-COVID-19 measures, kabilang na ang P1.3 trillion na economic stimulus.

Base sa kanilang kalendaryo, nakatakda sana kahapon, Hunyo 3, ang sine die adjournment ng mababang kapulungan ng Kongreso.

Pero dahil noong Lunes, Hunyo 1, lang naaprubahan ang Accelerated Recovery and Investments Stimulus for the Economy (ARISE), kailangan ihabol ng Kamara ang pag-apruba nito ngayong linggo.

Bukod sa pagbibigay ng subsidiya sa mg negosyo, edukasyon, agrikultura, transportasyon at turismo, pinalalawig din ng panukalang ARISE ang kapangyarihang iginagawad ng Bayanihan to Heal as One Act.

Kabilang sa mga ito ay ang probisyon sa testing, wage subsidies, TUPAD program ng DOLE, loan payment extension, ayuda ng DTI at DA, pagpapaluwag sa credit rules, health protocols, reallocation at realignment ng pondo.

Binibigyan din nito ng kapangyarihan ang Pangulo na makapag-realign ng items sa loob ng anim na buwan, paritukular na iyong mga hindi magagamit dahil sa COVID tulad na lamang ng travel at forced savings.

Pinalalawig din ng panukalang ito ang validity ng 2019 at 2020 General Appropriations Act ng hanggang 2021.

Mababatid na kamakailan lang ay hinimok nina House Ways and Means Chairman Joey Sarte Salceda at House Committee on Constitutional Amendments Rufus Rodriguez si Pangulong Rodrigo Duterte na magpatawag ng special session ng Kongreso para maaprubahan ang economic stimulus plan at iba pang natitirang priority bills ng Kamara.