CAUAYAN CITY – Magpapatupad ng ilang pagbabago ang Kamara bilang paghahanda sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Congressman Antonio ‘Tonypet” Albano ng unang distrito ng Isabela, sinabi niya na una na niyang nakausap si secretary General Dom Mendoza may kaugnayan sa gagawing paghahanda ng Kanara sa nalalapit na SONA ni Pangulong Marcos.
Ang ilang pagbabago ay ipapatupad bilang pag-iingat dahil sa dalawang beses na pagkakaroon ng Covid-19 ng Pangulo.
Ito rin ang unang pagkakataon sa nakalipas na dalawang taon na magkakaroon ng full blown SONA at inaasahang marami ang dadalo dahil sa nakaraang administrasiyon ay naging hybrid ang set up ng SONA.
Ilan lamang sa pagbabagong ipapatupad ng Kamara ang pag-alis ng ilang plotform sa first gallery kung saan mauupo ang mga bisita upang magkaroon ng sapat na espasyo o distansiya.
Dahil sa pag-alis ng ilang platform ay mababawasan din ang bilang na maaaring ma-accommodate ng Batasang Pambansa.
Limitado sa isa ang ibibigay na imbitasyon sa mga mambabatas at isang miyembro ng kanilang kapamilya na nais na isama sa venue.
Handang-handa na rin ang PNP at Philippine Army na mangunguna sa pagbabantay sa seguridad sa paligid ng Batasang Pambansa.
May mga itinalaga nang bomb sniffing dogs at ammunition sniffing dogs sa paligid ng Batasang Pambansa bilang bahagi ng mahigpit na seguridad.
May itatalaga ring freedom park ang PNP para sa mga magsasagawa ng kilos protesta sa araw ng SONA at para maiwasan ang kumpulan ng mga raliyista sa rutang dadaanan ng mga VIP’s na dadalo.
Ilan sa maaaring highligths sa SONA ni Pangulong Marcos ay ang kasalukuyang krisis sa pagkain at tumataas na presyo ng mga pangunahing bilihin.
Kabilang din sa mga maaaring talakayin ng Pangulo ang GDP na aasahang tataas sa katapusan ng taong kasalukuyan maliban pa sa posibleng paggamit ng Nuclear Energy, ilang usaping nakakaapekto sa sektor ng agrikultura at ang patuloy na sigalot sa mga teritoryong sakop ng West Philippine Sea.