-- Advertisements --

Magsasagawa ang Kamara ng kanilang sariling imbestigasyon sa COVID-19 vaccination program ng pamahalaan sa darating na Enero 18, 2021.

Ang House Committee on Health, na pinamumunuan ni Quezon Rep. Angelina “Helen” Tan, ang siyang mangunguna sa naturang pagdinig.

Imbitado rito bilang resource persons ang mga opisyal na nasa likod nang pagbili ng mga COVID-19 vaccines, gaya na lamang nina Health Secretary Francisco Duque III at vaccine czar Carlito Galvez Jr.

Sa isang statement, sinabi ni Tan na marami na ang naglabas ng kanilang mga opinyon, na karamihan ay hindi naman mga medical experts, patungkol sa mga bakunang binili ng pamahalaan.

Kaya naman nais din aniya nilang bigyan nang pagkakataon ang mga eksperto para maglahad ng mga impormasyon at figures mula sa scientific na pananaw.

Mababatid na kamakaialan lang ay nagsimula nang gumulong ang imbestigasyo ng Senado hinggil sa rollout ng vaccination program ng panahalaan, na nakatakdang ipagpatuloy bukas, Enero 15, 2021.

Naniniwala si Tan na ang pagsilip ng kanyang komite sa COVID-19 vaccination program ng pamahalaan ay makakatulong para makabalangkas ang Kongreso ng mga lehislasyon na kailangan para matulungan din ang ehekutibo sa planong mass vaccination.

Mababatid na ilang resolusyon ang nakabinbin ngayon sa House Committee on Health, kabilang na ang iniakda ni Parañaque Representative Joy Tambunting kung saan kanyang tinatanong ang Department of Health sa komprehensibong plano nito sa pamamahagi ng bakuna.

Naghain din ng kanyang resolusyon si Sultan Kudarat Rep. Princess Sakaluran para hilingin sa pamahalaan ang paglalatag ng COVID-19 vaccination plan nito upang sa gayon ay matiyak ang patas at pantay na pamamahagi ng mga bakuna.

Bukod kina Duque at Galvez, inanyayahan din ng komite ni Tan sa kanilang pagdinig ang mga kinatawan mula sa Food and Drug Administration, Research Institute for Tropical Medicine, Health Technology Assessment Council, Department of Science and Technology, at World Health Organization.

Maging ang mga kinatawan ng Department of Budget and Management, Department of Finance, Department of the Interior and Local Government, Department of Foreign Affairs, at Department of National Defense ay pawang imbitado rin.

Nakatakda ring dumalo sa pagdinig ang mga medical experts mula sa iba’t ibang civic organizations tulad ng Union of Local Authorities of the Philippines, Philippine Medical Association, Philippine Nurses Association at Philippine Association of Medical Technologists.

Mababtid na target ng pamahalaan na mabakunahan ang nasa 50 hanggang 70 million katao sa loob ng isang taon, kung saan 50,000 rito ay inaasahang matuturukan na ng COVID-19 vaccine sa darating na Pebrero.