Tiniyak ni Speaker Alan Peter Cayetano na patuloy na magsasagawa ng pagdinig ang Kamara sa gitna ng banta sa kinakaharap na health crisis dulot ng COVID-19.
Pero binigyan diin ni Cayetano na mahigpit nilang ipapatupad ang social distancing at paglimita sa bilang mga dadalo sa idaraos na mga pagdinig.
Ayon kay Cayetano, magiging “roundtable-style” ang isasagawang mga pagdinig, at lilimitahan lamang sa lima ang bilang ng mga kongresistang dadalo rito.
“We will be holding hearings but it is not the usual hearings na napapanood niyo. It will be more roundtable-style. We will only have four, at most five members of Congress present. We will only have one department at a time,” ani Cayetano.
Sa susunod na linggo, nakatakdang ipatawag ng Kamara ang Department of Health (DOH).
Sinabi ng lider ng Kamara na inabisuhan na niya si Health Sec. Francisco Duque III na limang katao lamang ang maaring isama nito sa hearing.
Umapela rin si Cayetano sa media na bawasan din ang bilang ng mga ipapadalang kawani sa hearing venue.
Sa kabilang dako, iginiit ni Cayetano na handa ang Kamara sakaling magpatawag ng special session si Pangulong Rodrigo Duterte para aprubahan ang mga polisiyang makakatulong sa paglaban kontra COVID-19.
Subalit kailangan muna nilang maamiyendahan ang kanilang mga panuntunan upang sa gayon hindi dagsain ng tao ang plenaryo ng Kamara para maiwasan ang tsansang maikalat at makahawa sa virus.
“Kung kailangan ng special session, kung magpapatawag ang Pangulo, we’re talking to the Majority Leader kung puwedeng i-amend ang rules na ang Speaker na lang at Majority Leader, Minority Leader ang nasa Congress,” ani Cayetano.
“Then ang botohan ay electronic and through Facebook transmission or media na lang ‘yung discussions, if and when there are urgent bills na kailangan ipasa,” dagdag pa nito.