Naitala sa Quezon City ang 40% ng bagong kaso ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) na ayon sa City Health Department ay pawang galing sa mga estudyanteng nasa edad nasa edad 15 hanggang 24.
Kasabay nito ang kabuuang kaso ng mga naitala sa lungsod na may bilang na 421 kaso mula Enero hanggang Mayo ng taong ito.
Bahagyang mas mataas ito ng 2.43% kumpara sa 411 na naitalang kaso sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
‘Dahil sa pagtaas ng kaso sa mga kabataang edad 15–24, sinisiguro nating natatanggap nila ang kinakailangang gamutan sa ating mga Social Hygiene Clinics,’ pahayag ni QC Mayor Joy Belmonte.
Samantala patuloy na nag-aalok ang lungsod ng libreng HIV testing, counseling, at treatment sa mga pampublikong health facilities nito.
Una nang iniulat ng Department of Health (DOH) na mayroong 5,101 bagong HIV cases at 145 na nasawi dahil sa HIV/AIDS sa unang quarter ng 2025, mas mataas ng halos 50% kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon o katumbas ng 57 na nadaragdag kada araw.
Babala ng DOH, ang Pilipinas na ngayon ang may pinakamabilis na pagtaas ng HIV cases sa Western Pacific, kung saan tumaas ng 500% ang kaso na nasa edad 15–25 sa nakalipas na dekada. Kabilang sa bagong kaso ang isang 12-anyos na bata mula Palawan.
Dahil dito, iminungkahi ni Health Secretary Teodoro Herbosa ang pagtuturing sa HIV bilang national public health emergency upang mapalakas ang pagtutulungan ng lahat ng sektor ng gobyerno.