Masusing binabantayan ngayon ang Tropical Storm “Wutip” na namataan sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Sa monitoring ng state weather bureau kaninang umaga, namataan ang Tropical Storm Wutip sa layong 1,085 kilometers (km) ng Northern Luzon na kumikilos nang may bilis na 20 kilometers kada oras pahilgang-kanluran. May dala itong maximum sustained winds na hanggang 65 km per hour at bugso ng hangin na 80 km per hour.
Habang tumaas naman ang tiyansang maging bagyo ang Low Pressure Area (LPA) sa sunod na 24 oras.
Namataan ang namumuong sama ng panahon kaninang alas-2:00 ng hapon sa layong 200 km hilaga ng Itbayat, Batanes. Sakaling lumakas pa ito, tatawagin itong bagyong Auring.
Sa kabila ng presensiya ng naturang tropical storm at LPA, ipinaliwanag ng weather bureau na ang epekto pa rin ng habagat ang kasalukuyang nagdadala ng malawakang pag-ulan sa bansa.
Ibinabala naman ng ahensiya ang mabibigat hanggang sa matitinding pag-ulan na maaring magresulta ng mga baha at pagguho ng lupa partikular na sa Luzon at Mindanao, na kasalukuyan nakakaranas na ng rain showers.