Nagpahayag ng lubhang pagkabahala si House of Representatives spokesperson Atty. Princess Abante sa plano ng Senado na pagbotohan ang desisyon ng Korte Suprema na idineklarang unconstitutional ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ay kung matuloy ang botohan ng Senado sa Agosto 6 nang hindi man lamang inaantay ang Kamara de Representantes na gawin nito ang lahat ng available na legal na remedyo.
Sa isang statement ngayong Sabado, Agosto 2, iginiit ni Atty Abante na hindi pa pinal ang desisyon ng Korte Suprema. Nakatakda pa lamang din aniyang maghain ng motion for reconsideration ang Kamara sa desisyon ng korte bilang isang kinatawan na pinagkalooban ng konstitusyon ng exclusive power at awtoridad para mag-initiate ng impeachment.
Nauna na kasing napaulat na sa Lunes, Agosto 4, inaasahang maghahain ng motion for reconsideration ang Kamara na kakatawanin ng Office of the Secretary General (OSG).
Kaugnay nito, hinimok ng Kamara ang mga Senador na pairalin ang masusing pagpapasya at pasensiya at hayaang gumulong ang judicial process.
Aniya, anumang premature action, gaya ng nakatakdang botohan ng Senado sa SC ruling ay pagabandona sa impeachment trial na maaaring ituring bilang pagbalewala sa due process. Malala aniya ay maaari itong bigyang kahulugan bilang political shortcut na nagpapahina sa constitutional role ng Kamara.
Sa huli, sinabi ng House official na committed sila sa rule of law at gagawin ang lahat ng legal remedies para protektahan ang mandato nito sa ilalim ng konstitsyon at titiyaking hindi maisasantabi ang pananagutan.