Determinado ang mababang kapulungan ng kongreso na aprubahan ang ikatlong COVID-19 relief package para matulungan ang mga Pilipino at upang mapagulong ulit ang ekonomiya ng bansa.

Ayon kay Speaker Lord Allan Velasco, bibilisan ng Kamar ang plenary approval ng proposed Bayanihan 3, na naglalaman ng P405.6-billion na lifeline measures, sa oras na magbukas ang kanilang sesyon sa darating na Mayo 17.

Kahapon, inaprubahan ng tatlong komite sa Kamara ang substitute bill sa ilang Bayanihan 3 measures, kabilang na ang House Bill 8628 o ang proposed “Bayanihan to Arise As One Act,” na iniakda niya at ni Marikina City 2nd District Rep. Stella Luz Quimbo.

Nabatid na ang kailangan na lamang par sa substitute bill na ito ay maaprubahan ng House Committee on Appropriations bago ito maiakyat sa plenaryo para sa second at third reading approval.

Nakapaloob sa substitute bill na inaprubahan ng House Committees on Economic Affairs, Social Services, at Ways and Means Committee ang dalawang rounds ng cash aid na nagkakahalaga ng P1,000 sa kada Pilipino.

Ang cash aid na ito, na nagkakahalaga ng kabuuang P216 billion, ay ipapamahagi sa 108 million Pilipino.

Patuloy na nakikipag-ugnayan din aniya ang Kamara sa Department of Finance (DOF) patungkol naman sa funding sources para sa Bauanihan 3.

Para makalikom ng pondo para sa Bayanihan 3, layon ng Kamara na payagan ang Bangko Sentral ng Pilipinas ng karagdagang advances na walang interest para sa national government.

Layon din nilang itaas sa sa 50 percent hanggagn 75 percent ang mandatory dividend remittances ng mga GOCCS.