-- Advertisements --

Target ng Kamara at Department of Budget and Management (DBM) ang pagkakaroon ng matiwasay na proseso para sa paghahanda at pag-apruba ng taunang pambansang pondo.

Para magawa ito, sinabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano na magtutulungan ang ehekutibo at lehislatibo sa pagbalangkas ng panukalang pambansang pondo.

Sang-ayon aniya si Budget Sec. Wendell Avisado na magkaroon muna ng konsultasyon sa mga komite ng Senado at Kamara bago pa man maisumite ng Pangulo ang panukalang pambansang pondo sa Kongreso.

Ito ay sa halip na rin aniya na ang DBM ang siyang babalangkas ng taunang budget na kalaunan ay babaguhin lang din naman ng Senado at Kamara.

Bukod sa pagpapabilis sa budget process, sinabi ni Cayetano na hangad din ng Kamara at DBM na maiwasang ma-veto ng Pangulo ang ilan sa nilalaman ng inaprubahang appropriations bill ng Kongreso.

Nabatid na sa ilalim ng Saligang Batas, ang Presidente ang siyang magsusumite ng taunang pambansang pondo sa Kongreso, na siyang hihimayin at aaprubahan ng Kamara na kalaunan ay aamiyendahan o pagpapatibayin naman ng Senado.