Bumuo ang Kamara ng ad hoc committee na tututok lamang sa COVID-19 pandemic response ng pamahalaan.

Sa gitna ng special session na umabot hanggang kaninang madaling araw, sinabi ni House Majority Leader Martin Romualdez na tututok ang komite na ito sa lahat ng usapin patungkol sa hakbang ng pamahalaan kontra COVID-19, kasama na ang mga gagawin para soluyunan ang epekto nito sa ekonomiya at sa labor force.

Inihalal ng mga kongresista si Speaker Alan Peter Cayetano bilang chairperson ng komite.

Maluwag namang tinanggap ni Cayetano ang posisyon na ito at sinabing si Romualdez ang nais niyang umupo bilang co-chairperson ng komite.

Sinabi rin ni Cayetano na bukas silang tanggapin ang lahat ng mga kongresistang nais maging miyembro nito.

Nauna nang sinabi ng lider ng Kamara na ang Defeat COVID ad hoc committee ay bubuuin ng House committees on health, economic affairs, tourism, trade and industry, labor and employment, public information, banks, and financial intermediaries, appropriations, ways and means, local government, at Metro Manila development.

Magiging kasapi rin dito ang mga kinatawan mula sa mga “most vulnerable” na lugar.