Balak ng mababang kapulungan ng Kongreso na magsagawa ulit ng mass testing sa kanilang mga miyembro at empleyado sa Enero sa susunod na taon.
Ayon kay House Sec.Gen. Mark Llandro Mendoza, gagawin ito bago ang muling pagbubukas ng sesyon ng Kamara kasunod ng kanilang Christmas break.
Kahapon, sinabi ni Mendoza na 98 ang naitalang COVID-19 positive cases sa Kamara matapos na isinagawa ang mass testing noong Nobyebre 10 sa halos 2,000 miyembro at kawani ng mababang kapulungan.
Pinabulaanan naman ng opisyal ang impormasyon na sa Kamara nakuha ang sakit ng mga miyembro at empleyadong nagpositibo sa COVID-19.
Mayorya kasi aniya sa nagpositibo sa isinagawang mass testing ay bunsod ng community transmission.
Gayunman, tiniyak ni Mendoza na mahigpit pa ring ipinapatupad sa Batasan Complex ang minim health protocols upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng mga pumapasok dito.
Dahil dito, hindi niya nakikita ang posibilidad na magpatupad ng lockdown sa Kamara.