Bumaba sa critical levels ang kalidad ng hangin sa tinagurian City of Pines na Baguio city dulot ng forest fires sa iba’t ibang mga lugar sa Benguet ayon kay Baguio Mayor Benjamin Magalong.
Sa sidelines ng Panagbenga Festival, sinabi ng local chief executive na naobserbahan ng kanilang mobile sensors na umaabot na sa critical levels ang air quality sa lungsod dahil sa forest fires lalo na sa mga barangay malapit sa sunog gaya ng Loakan, Camp 7, at Kias area.
Subalit, nag-uumpisa na aniyang gumanda ang air quality subalit noong kasagsagan ng sunog sa Tuba, Benguet, sobra itong lumala.
Kayat nag-isyu ang lokal na pamahalaan ng paalala sa publiko na iwasan ang slash-and-burn farming tulad ng pagsusunog ng basura na tuyong dahon, tangkay ng puno at iba pa para maiwasan ang sunog.
Mula Enero ng kasalukuyang taon, nakapagtala na ang Baguio ng 21 insidente ng forest fires.
Sa latest information naman mula sa BFP, 2 pang forest fires ang nananatiling aktibo sa Mount Santo Tomas.