Hindi na ikinagulat ni Atty. Virgilio Ligutan ang tuluyang pagbasura ng QC Regional Trial Court Branch 81 sa petisyon ni Atty. Mans Carpio na naglalayong ipatigil ang impeachment hearing laban kay VP Sara Duterte.
Ayon kay Ligutan, na isa sa mga complainant laban sa pangalawang pangulo, nagpapakita lamang ito na walang nilabag na batas o pamamaraan ang House Committee on Justice sa isinasagawang proceedings.
Nagpapakita rin ito aniya na ang ginawa ng panel na pagpapa-subpoena sa mga record ng magasawang Duterte at Carpio ay ligal, taliwas sa ipinupunto ng kanilang kampo.
Kabilang dito ang subpoena para sa Statement of Asstes, Liabilities, and Net Worth, bank records, Anti-Money Laundering Council Records, atbpa.
Kung babalikan ang desisyon ng QC court, nakasaad dito na walang hurisdiksyon ang RTC para maki-alam sa kapangyarihan ng Kamara de Representantes na magsagawa ng impeachment proceedings, salig sa itinatakda ng saligang batas.
Binigyang-diin ng hukuman na may kapangyarihan ang House panel para magpadala ng subpoena bilang bahagi ng kanilang kapangyarihang ipinagkakaloob ng konstitusyon. (Report by Bombo Jai)
















