Pormal nang magco-convine ang Senado bilang impeachment court sa Mayo 18, 2026 upang simulan ang pagdinig sa kasong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, ayon kay Senate President Alan Peter Cayetano nitong Huwebes.
Sa liham ni Cayetano kay House Speaker Faustino Dy III na may petsang Mayo 14, kinumpirma nito ang pagtanggap ng Senado sa articles of impeachment at mga kalakip na dokumento na ipinadala ng Kamara de Representantes noong gabi ng Mayo 13.
Ayon kay Cayetano, gagawin ang pag-convene ng impeachment court sa ganap na alas-3 ng hapon alinsunod sa Senate Rules of Procedure on Impeachment Trials at sa mandato ng Konstitusyon.
Nahaharap si Duterte sa mga reklamong may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng pondo ng publiko, hindi maipaliwanag na yaman, at pagbabanta umano laban sa pangulo at First Lady.
Inatasan na rin ni Cayetano ang Senate Secretariat na isama ang articles of impeachment sa Calendar for Ordinary Business para sa pormal na referral sa impeachment court. Dagdag pa niya, maglalabas ang Senado ng iskedyul para sa pagharap ng magkabilang panig sa mga susunod na araw.
Bagama’t magtitipon bilang impeachment court sa Mayo 18, sinabi ni Cayetano na posibleng sa Hulyo pa magsimula ang aktuwal na paglilitis depende sa mga itinatakdang proseso at bilang ng session days.
Binigyang-diin din ni Cayetano na susundin ng Senado ang umiiral na batas at hindi aniya magkakaroon ng pagkaantala sa proseso ng impeachment.
Kasabay nito, itinanggi niya ang mga haka-hakang may kaugnayan ang kamakailang pagbabago sa liderato ng Senado sa umano’y planong hadlangan o ipagpaliban ang impeachment trial laban kay Duterte.
















