-- Advertisements --

Hiniling ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) sa Korte Suprema ang pagsasagawa ng judicial review sa kaso ni Mary Jane Veloso.

Inihain ng grupo ang Motion to Resolve para aksyunan ang Petition for Habeas Corpus na naunang isinampa noon pang Nobiyembre 2025.

Sa bagong petisyon ng NUPL, nakasaad dito ang posisyon ng kampo ni Veloso na ang kaniyang tuloy-tuloy na pagkakakulong sa kabila ng kawalan ng judgement, ay hayagang paglabag sa kaniyang karapatan.

Nakasaad din dito na dahil si Veloso ay isang biktima ng human trafficking, ang patuloy na pagkulong o pagdetine sa kaniya ay isang inhustisiya na dapat matugunan sa lalong madaling panahon.

Samantala, nakalakip din sa petisyon ng NUPL ang sulat-kamay ni Veloso na naka-address kay Chief Justice Alexander Gesmundo.

Nakasaad dito ang apela ni Veloso para sa kaniyang tuluyang paglaya mula sa kulungan kung saan binigyang-diin niya na walang batayan ang kaniyang pagkakakulong, lalo na ang sentensiya na isang reclusion perpetua.

Nakasaad din sa liham ni Veloso ang kaniyang apela sa mga hukom ng SC na alang-alang sa kaniyang pagiging isang ina na matagal nang nawalay sa kaniyang mga anak ay mapalaya na siya.

Apela ni Mary Jane, ang susunod na Mother’s Day ngayong Mayo 10 ay ika-17 beses ng hindi niya makakapiling ang kaniyang dalawang anak, na nagpapakita kung gaano katagal silang walang nanay na gumagabay at kumakalinga sa kanila.