Magdudulot ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorm ang low pressure area sa Caraga at Eastern Visayas nitong araw.
Patuloy namang makakaapekto ang northeast monsoon o amihan sa Luzon, ayon sa Pagasa.
Base sa kanilang 4 a.m. public weather forecast, sinabi ng Pagasa na maaring magkaroon ng flash floods o landslides sa mga lugar na posibleng tamaan ng severe thunderstorms bunsod ng LPA.
Huling namataan ang LPA sa layong 655 km east ng Hinatuan, Surigao del Sur kaninang alas-3 ng madaling araw.
Pero iginiit naman ng state weather bureau na mababa ang tsansa ng LPA na mabuo bilang bagyo.
Samantala, magdudulot naman ng maulap na kalangitan na may kasamang mahinang pag-ulan ang amihan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Aurora at Quezon.
Ang mga lugar na ito, lalo na ang mga nasa malapapit sa karagatan at ang mga nasa bundok, ay posibleng makaranas ng paminsan-minsang malalakas na hangin.
Ang nalalabing bahagi naman ng Luzon kabilang na ang Metro Manila ay magkakaranas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rains dahil din sa amihan.