Aminado ang Department of Health (DOH) na hindi pa nakakatanggap ng kanilang COVID-19 booster shot ang halos nasa kalahati pa ng mga fully vaccinated na mga healthcare workers sa Pilipinas.
Ito ay sa kabila ng mga pagsusumikap ng pamahalaan na pataasin pa ang bakunahan ng booster sa bansa.
Sa isang pahayag ay sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na sa ngayon ay nasa 49.07% pa lamang ang bilang ng mga healthcare workers na nakatanggap ng booster shot.
Nasa kalahati ito ng 95% na kabuuang bilang ng mga medical workers na nakatanggap na ng kumpletong dose ng primary series ng bakuna laban sa nasabing virus.
Ayon naman kay Dr. Anna Ong-Lim na isang pediatric infectious disease expert at miyembro ng Technical Advisory Group ng DOH, na ang pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa ay maaaring may kinalaman din sa pagbaba ng bilang ng bakunahan ng booster shots.
Samantala, batay naman sa National COVID-19 Vaccination Dashboard, nasa kabuuang 2.9 million na mga indibidwal na kabilang sa A1 category ang mga fully vaccinated na, habang nasa 1.3 million ang nakatanggap ng booster shots.