Posibleng maramdaman ang kakulangan sa suplay ng baboy simula sa susunod na buwan sa gitna ng outbreak ng African Swine Fever (ASF) sa bansa.
Kinumpirma ni Agriculture Assistant Secretary at deputy spokesman Rex Estoperez ang nauna ng babala mula sa National Livestock Program (NLP) na magkakaroon ng kakulangan sa suplay ng baboy ng hanggang 46,104 metric tons sa Hunyo kumpara sa demand na 145,849 MT.
Ito aniya ay projection pa lamang na posibleng maramdaman ang kakulangan simula sa buwan ng Abril.
Base sa iprinisenta ni NLP director Ruth Miclat-Sonaco sa naging konsultasyon ng DA sa mga stakeholders na magsisimulang maranasan ang kakulangan sa suplay ng baboy sa susunod na buwan kung saan ang posibleng deficiency ay nasa 11 araw o katumbas ng 56,180 MT.
Ayon din kay Sonaco na pagdating sa Hunyo, ang bansa ay mayroong 39 araw na shortage sa suplay ng baboy.
Kaugnay nito, ibinabala ni Agricultre ASec. estoperez na magpapatuloy ang pagkalat ng ASF kapag hindi nakipagtulungan ang mga lokal na pamahalaan at publiko para mapigilan ang virus.
Ito ay kasunod na rin ng pagpapatigil ni Cebu Governor Gwen Garcia sa culling operation sa mga lugar sa probinsiya na apektado ng ASF.
Sa ngayon, ayon sa DA official pinag-aaralan na rin ng pamahalaan ang mga rekomendasyon mula sa hog raisers na magbigay ng compensation para mahikayat ang mga ito na ireport ng mga kaso ng ASF.