-- Advertisements --

Naniniwala si Pasig City Representative Roman Romulo, co-chairperson ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), na dapat aksyunan ng Department of Education (DepEd) ang pag-aappoint ng mga principal sa higit 25,000 na mga pampublikong paaralan sa Pilipinas.

Mahigit kalahati kasi ng mga pampublikong paaralan sa Pilipinas ang ‘walang mga principal, na nagpapakita ng malubhang problema sa pamumuno ng mga pampublikong paaralan sa bansa.

Mula sa 45,199 na mga pampublikong paaralan sa Pilipinas, 24,916 o 55% dito ang ‘walang mga principal na humahalili. Kahit na sa 20,381 paaralang may mga principal, marami parin sa mga ito ang hindi sumusunod sa mga alituntunin ng DepEd, na may malalaking inconsistency sa pagtalaga ng mga principal.

Ang kakulangan sa mga principal ay sanhi ng limitadong bilang ng mga kandidato, dahil sa mababang passing rate sa National Qualifying Examination for School Heads (NQESH).

Halimbawa nito noong 2021, kung saan 36.93% lang ang mga pumasa at noong 2018 naman, 0.64% lang ang nakapasa. Bukod pa rito, ‘wala pang pormal na plano ang DepEd para sa i-aapoint na mga principal sa mga pampublikong paaralan , at madalas ay kulang ang suporta at mentoring para sa mga bagong talagang principal.

Hinimok naman ng EDCOM II ang DepEd na repasuhin ang paraan ng pagtalaga ng mga principal at inirekomenda na bawat paaralan ay magkaroon ng sariling posisyon ng principal.

Binibigyang-diin din nila ang mga pangangailangan para sa professional development upang mapabuti ang mga skills ng mga principal, tulad nang matagumpay na proyekto sa Northern Mindanao na naglalayong palakasin ang mga kakayahan ng mga principal sa rehiyon.