-- Advertisements --

Iginiit ni Palace Press Officer, Undersecretary Claire Castro na ang paglilinaw ni VP Sara na wala silang alitan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at wala siyang personal na problema rito ay nagpapatunay na hindi siya nakaranas ng masamang pagtrato mula sa Pangulo, maging bilang tao o bilang Bise Presidente.

Ayon kay Castro, sa kabila ng mga batikos na ibinabato ng Bise Presidente sa administrasyon, hindi umano personal na inatake ni Pangulong Marcos ang Bise Presidente.

Subalit, umalma si Castro sa umano’y mga naging pahayag ng Bise Presidente laban sa Pangulo at ang mga alegasyon nito na walang nagagawa ang administrasyon.

Binigyang-diin ni Castro na may mga konkretong programa at proyektong ipinatutupad ang pamahalaan, kabilang ang mga proyektong pabahay at flood control sa Davao City.

Aniya, maging si dating Bise Presidente Leni Robredo ay kinilala ang ilang programa ng gobyerno.

Hinikayat din niya ang publiko na maging mapanuri sa mga impormasyon at iwasan ang pagpapakalat ng maling balita.