-- Advertisements --

Itinuturing ng Malacañang na isang pagkukulang ang hindi pag-uulat sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) ng mga bangko sa kabila ng mga “unusual” cash withdrawals mula sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).

Ito ang pahayag ni USec Castro matapos hingan ng reaksiyon sa testimonya ng dalawang dating Land Bank branch managers kaugnay ng malalaking cash withdrawals ng OVP at DepEd.

Ayon kay Castro, ipinakita ng naging testimonya ang kahalagahan ng transparency at accountability sa paggamit ng confidential funds. 

Sinabi rin ni Castro na kung ang isang transaksyon ay itinuturing na “unusual,” nararapat lamang na suriin at alamin kung dapat itong iulat sa AMLC, anuman ang katayuan ng may-ari ng account.

Binigyang-diin ni Castro na sapat ang umiiral na mga batas, ngunit nagkakaroon ng problema kapag hindi ito naipatutupad o may mga taong sadyang lumalabag sa batas para sa pansariling interes.