Nanganganib na mapaaga pa ang pagbaba sa critical level ng water supply para sa Metro Manila at mga karatig na lugar.
Kasunod ito ng patuloy na pagbulusok ng antas ng tubig sa Angat Dam, na pangunahing source ng tubig para sa rehiyon.
Ayon kay National Water Resources Board (NWRB) director Dr. Sevillo David Jr., walang naitatalang ulan sa water reservoir at sa halip ay tumataas pa ang water consumption.
Kung magpapatuloy ito, maaaring sumadsad sa kritikal na 180 meters ang lebel ng tubig sa Angat Dam.
Nabatid na ang naturang dam ang pinanggagalingan ng supply para sa 90% ng consumers sa Metro Manila.
Ang normal level ng tubig dito ay 212 meters, kung saan huli itong naitala noong pagtatapos ng 2021.
Pero sa ngayon, nasa 202.8 meters na lang ang lebel ng tubig dito, na halos siyam na metrong kapos sa kinakailangang normal water level.
Umapela si David sa publiko lalo sa mga taga-Metro Manila na ngayon pa lamang ay magtipid na ng tubig upang maiwasan ang kakulangan sa mga susunod na buwan.
Aasahan din ang paglabo ng tubig dahil sa mahinang pressure.
Kung hindi makakapagtala ng ulan, maaaring maulit ang kakulangan ng tubig na naranasan na rin noong 2019.