Naniniwala si Vice Pres. Leni Robredo na mahalagang mapalawig ng pamahalaan ang information drive kaugnay ng 2019 Novel-Coronavirus (N-CoV).
Ito ang tugon ni Robredo laban sa mga kumakalat na “fake news” sa social media na para sa kanya ay hindi nakakatulong sa target ng gobyerno na panatilihing kalmado ang sitwasyon ng bansa.
“Ngayon, marami nang ginagawa iyong Department of Health, marami nang prevention saka safety and security measures na ginagawa. Tingin ko kailangan lang talaga i-expand iyong information campaign, para maintindihan ng tao ano ba ito, ano iyong dapat gawin, ano iyong dapat hindi katakutan, ano iyong totoo saka hindi,” ani Robredo nang dumalo sa isang aktibidad sa Sumilao, Bukidnon nitong araw.
“Kasi kapag nababasa natin sa social media, maraming mga haka-haka na “mayroon na dito sa ospital na ito”, “mayroon dito sa ospital na ito”—kahit hindi naman totoo. So iyong sa akin, pagtulung-tulungan siguro. Hindi ito obligasyon lang ng DOH, pero pagtulung-tulungan ng lahat, na iyong proper information nadi-disseminate, para iyong tao nakakapaghanda siya, nakakapaghanda lalo na sa prevention,” dagdag ng bise.
Hindi naman sang-ayon si Robredo sa planong airport-to-airport scheme para sa mga turistang manggagaling China o bansang may kaso ng N-CoV.
“Mas mabuti sanang i-aspire iyong hindi na kailangang mag-A2A. Kailangan sigurong i-aspire na bago pa man lumipad dito, iyong necessary precautions gagawin na doon sa dapat panggalingan. Kung kinakailangan mag-suspend muna ng flights, mag-suspend muna ng flights. Kung kailangan na magdagdag ng equipment sa mga airports saka sa ports natin, gawin na iyon.”
“Pero— Iyong airport-to-airport, puwede siyang remedy, pero hindi siya… parang hindi siya nangangailangan na ganoon all the time, kasi it will involve a lot of money, na puwede namang maiwasan iyong gastos.”