MANILA – Iginiit ng Department of Health (DOH) na hindi pa agad dapat luwagan ang mahigpit na quarantine restriction kahit bumaba na ang “reproduction number” ng COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) sa National Capital Region (NCR).
Ang reproduction number ay ang bilang ng nahahawaan ng isang kumpirmadong kaso ng COVID-19.
“Hindi lang naman transmission rate ang ating batayan para makapagsabi tayo if we’re going to de-escalate already dito sa mga community quarantine restrictions na mayroon tayo,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
“Kailangan natin tingnan lahat ng parameters na ginagawa natin.”
Ipinaalala ng opisyal na pinagbabatayan din ng mga opisyal ang “average daily attack rate,” at “2-week growth rate.”
Pati na ang “gatekeeping indicators” ng mga local government units tulad ng contact tracing, isolation, testing, at quarantine.
“Gusto natin kapag nag-lift tayo ng restriction, alam natin kakayanin ng local government sakaling tumaas ang kaso… para tayo may assurance from the national level that local governments can adequately respond.”
Tinitingnan din daw ng DOH ang sitwasyon ng health system para matiyak na hindi umaapaw ang mga pasilidad para sa mga pasyente.
“Kailangan natin pagtrabahuan pa talaga at makita natin na nagwo-work yung patient navigation system in order for us to have continuous decline in the number of being hospitalized.”
Batay sa pinakahuling report ng independent group na OCTA Research, bumaba pa sa 0.66 ang reproduction number ng coronavirus sa Metro Manila.