CAUAYAN CITY- Kaagad tinugunan ng mga kasapi ng Cauayan City Police Station ang natanggap na tawag kaugnay sa itim na bag na iniwanan sa loob ng pampasaherong bus na galing sa Baguio City
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, dumating ang bus sa Cauayan City noon December 20, 2022 at habang nililinis ang loob ng bus ay napansin ang isang kulay itim na bag.
Natakot umano ang mga kawani ng Dalin bus kaya’t agad silang tumawag ng tulong sa Cauayan City Police Station.
Kaagad tumugon ang mga kasapi ng Cauayan City Police Station at Explosive Ordnance Disposal and Canine Unit at agad nilang inilabas ang bag at tiniyak na secure ang nabanggit na lugar.
Kinumpirma ng aso na si Tiger ng Canine Unit at nang handler nito sa si PCorporal Nico Baquiran, na naglalaman ang bag ng kontrabando matapos dumapa ang aso.
Nang buksan ang bag ay dito na nakita ang isang plastic sachet ng hinihinalang dahon ng marijuana na ang iba ay binalot pa ng tissue paper
Kasama din sa laman ng bag ang laptop at iba pang personal na gamit ng may-ari.
Sa ngayon ay patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya.










