-- Advertisements --

Inilatag ni Presidential Adviser on Entrepreneurship Joey Concepcion ang kahalagahan nang pagpapalakas sa kumpyansa ng publiko sa coronavirus vaccines dahil ginagawa umano ng pamahalaan ang lahat ng kanilang makakaya upang makabili ng mga bakuna.

Tila mababalewala raw kasi ang mga hakbang na ginagawa ng gobyerno kung tatanggihan ng publiko ang pagbabakuna.

Ginawa ni Concepcion ang pahayag sa pakikiisa nito sa Joint Meeting ng House Committee on Trade and Industry at House Committee on Health kung saan ibinahagi nito ang vaccine plan ng pampribadong sektor.

Ayon dito, gagawin ng private sector, local government units, at gobyerno ang lahat ng kanilang makakaya para mapabilis ang pagbabakuna sa malaking bilang ng populasyon sa bansa bago matapos ang taong 2021.

Subalit aminado ito na kailangan pang puspusan ng gobyerno ang pagkumbinsi nito sa mga Pilipino na magpaturok ng bakuna laban sa nakamamatay na virus.

Naniniwala aniya ito na magiging plantsado ang vaccination plan ng pamahalaan at sa ika-apat na quarter ng kasalukuyang taon ay magdulot ng liwanag para sa lahat.

Samantala, sinabi pa ni Concepcion na aapela ang pampribadong sektor sa Department of Health (DOH) at National Immunization Technical Advisory Group (NITAG) na mabigyan sila ng flexibility pagdating sa vaccination plan.

Kung titingnan daw kasi ang mga industriya na bumili ng bakuna, karamihan sa mga ito ay iba’t iba ang katayuan.

Ilang mambabatas naman ang sumang-ayon kay Concepcion at binigyang-diin din ang kahalagahan ng pagluluwag sa mga umiiral na restrictions para sa subcategories A4 priority list. Gayundin ang kahalagahan ng pagiging proactive kaugnay ng sino ang unang babakunahan sa oras na dumating na ang bultuhang order nito ng mga bakuna.