-- Advertisements --

ILOILO CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) kaugnay sa pag-ambush sa dalawang barangay officials sa Tubungan, Iloilo.

Ang mga biktima ay sina Harold Tablazon, 33-anyos na kagawad ng Barangay Agho; at Glenn Bunda, 24, Sangguniang Kabataan (SK) chairman ng Barangay Tagpuan sa nasabing bayan.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Lieutenant Jose Rommel Samson, hepe ng Tubungan Municipal Police Station, sinabi nito papauwi na sana ang mga biktima mula sa bayan ng Leon nang tambangan ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa Barangay Mayang, bayan ng Tubungan.

Ayon kay Samson, lumabas sa inisyal na imbestigasyon na naugnay na noon sa isang ambush si Tablazon at nabilanggo dahil sa kasong illegal possession of firearms at dating miyembro ng New People’s Army.

Samantala, malinis naman ang record ng SK chairman na si Bunda.

Kasunod nito, nagtuturuan ang pulisya at mga rebelde sa nagyaring pananambang.

Kung maaalala, isang pulis din ang in-ambush ng mga rebelde sa pareho ring bayan noong nakaraang linggo.