-- Advertisements --

Muling hinimok ng Bureau of Immigration (BI) ang mga banyagang naninirahan sa bansa na kung mayroon silang kamag-anak o kakilalang namatay ay agad nila itong ipagbigay alam sa Immigration bureau.

Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, ito raw ay para agad ma-update ng bureau ang kanilang records at makansela na ang alien registration ng mga namatay na banyaga sa bansa.

Paliwanag ni Morente, sa ilalim kasi ng 1950 alien registration act, ang magulang o kamag-anak na in-charge sa libing ng mga namatay na foreign nationals ay siya ring obligadong magbigay ng alien certificate of registration identity card (ACR I-Card) ng namatay sa BI.

Kaya naman sinabi ni Morente na obligasyon ng mga kamag-anak o kaibigan ng mga namayapa na i-report ang pagkamatay ng mga banyaga sa Immigration.

Dagdag ni Morente, ang ACR I-Card ng mga namatay na banyaga ay kailangang isuko sa BI registration officers sa alien registration division (ARD) para sa cancellation at deactivation.

Binigyang diin ng BI chief na ang reporting ng mga namatay na banyaga sa BI ay mahalaga para ma-monitor nang maayos ang presensiya ng mga banyaga sa bansa at matulungan ang pamahalaan na gumawa ng mga polisiya at aksiyon sa pagdetermina sa posibleng banta sa seguridad at public health sa gitna na rin ng pandemic.

Lumalabas kasing mula nang pumutok ang Coronavirus disease 2019 (COVID-19) noong nakaraang taon ay wala pang naire-report sa BI na mga banyagang namatay.

Noong Enero ngayong taon na lamang naiulat sa BI na 1,222 na ACR I-Cards ang nakandsela dahil sa pagkamatay ng mga ito.