KALIBO, Aklan-Nagdadalamhati ngayon ang buong pamilya Ambay ng Barangay Nauring, Pandan, Antique kasunod sa pagpatay kay Bonna Hercia Ambay, 24, branch manager ng isang pawnshop sa may Mabini St. Kalibo, Aklan.
Inihayag sa Bombo Radyo ni Police Major Jason Belciña, hepe ng Kalibo Municipal Police Station na batay sa pinakahuling imbestigasyon, kinilala ang suspek na responsable sa krimen na si Mark Archie Torrefiel, 31, ng Barangay Cajilo, Makato, Aklan at mismong reliever na gwardya ng establisyimento.
Narekober sa lugar ng krimen ang isang patalim na posibleng ginamit sa pagpatay sa dalaga kung saan, nakitaan ito ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan partikular sa dibdib, leeg, balikat at kamay.
Maliban dito, nakita din ang ibang kagamitan ng biktima at suspek na may mga bahid ng dugo.
Samantala, sa puno ng saging sa mismong pamamahay ng suspek nakalibing ang service firearms nito na pagmamay-ari ng security agency na kaniyang pinagtatrabahuhan.
Sa follow up investigation ng mga otoridad, nabatid na nakasakay ng barko sa Barangay Caticlan, Malay ang suspek kasama ang kaniyang live-in partner na si Cristina Oraba papuntang Metro Manila.
Sa kabila nito, nahaharap din sa iba’t ibang kaso si Torrefiel partikular ang pagnanakaw.
Sa kabilang dako, kinumpirma ni Ms. Leamil D. Malungayon, area manager ng kompanya na walang nawala na alahas at pera sa nasabing establisyimento.