-- Advertisements --

Tinanggal si 1-Pacman party-list Rep. Mikee Romero bilang deputy speaker ng Kamara.

Nangyari ito ilang oras matapos na tumayo sa plenaryo ng Kamara si Capiz Rep. Fredenil Castro para hamunin ang mga House leaders na kaalyado ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na bakantehin ang kanilang puwesto.

Si Camiguin Rep. Xavier Jesus Romualdo ang nagmosyon na ipalit si Castro sa posisyon na hawak ni Romero.

Walang tumutol dito kaya naaprubahan ang naturang mosyon.

Magugunita na kabilang si Romero sa mga kongresistang isinama ni Velasco nang magtungo sila sa Malacañang pati ang kampo ni Speaker Alan Peter Cayetano para makipagpulong kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa naturang pulong, napag-usapan din na walang rigodon na mangyayari sa iba pang posisyon bukod sa speakership post.

Ayon kay PBA party-list Rep. Jericho Nograles, pag-atake sa party-list coalition ang pagtanggal kay Romero bilang Deputy Speaker ng Kamara.

Si Romero ang presidente ng party-list coalition sa Kamara.