Halos dumagungdong ang entablado ng Coachella matapos ang pagbabalik ng pop superstar na si Justin Bieber kung saan naging pangunahing performer siya sa ikalawang araw ng musical festival noong Abril 11 sa California, USA.
Ito ang unang major festival performance ni Bieber mula noong 2022, at itinuring ang kanyang set bilang simula ng kanyang “full comeback” sa live concerts matapos ang ilang taong pananahimik dahil sa isyu ng kanyang kalusugan.
Sa kanyang minimalist na stage setup, binalikan ng singer ang kanyang mga lumang hit tulad ng “Baby,” “Never Say Never,” at “Beauty and a Beat,” habang sinabayan din ang mga bagong tracks mula sa kanyang albums na Swag at Swag II.
Isa sa naging highlight ng kanyang set ay ang paggamit niya ng YouTube playback ng kanyang lumang videos habang kumakanta, na tinawag niyang “special night” at isang matagal nang pangarap na matupad.
Samantala, umarangkada rin sa festival ang iba pang malalaking international acts. Nagtanghal ang rock band na The Strokes, na nag-anunsyo pa ng paparating nilang album matapos ang ilang taong pahinga.
Nagpakitang-gilas din ang collaboration na Nine Inch Noize (Nine Inch Nails at Boys Noize), pati na rin ang indie artist na Sombr na nakipag-perform kasama si Billy Corgan ng Smashing Pumpkins.
Kasama rin sa line-up ang iba’t ibang international artists gaya nina Addison Rae, PinkPantheress, Taemin, at David Byrne.
Sa sumunod na araw, nagtanghal din sina Karol G, FKA twigs, Fatboy Slim, Young Thug, at ang K-pop group na BIGBANG.
Binuksan naman ang festival noong Abril 10 sa headlining set ni Sabrina Carpenter, na sinamahan pa ng mga surprise appearances mula kina Lizzo at David Lee Roth.
Ang Coachella ay magpapatuloy sa susunod na weekend na may halos parehong line-up, at mapapanood din sa online streaming platforms.
















