-- Advertisements --

Dalawang House Resolutions ang inihain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso upang kilalanin at batiin ang P-pop girl group na BINI matapos maging kauna-unahang Filipino pop group na nagtanghal sa Coachella Valley Music and Arts Festival 2026.

Hinihain ni Negros Occidental 3rd District Representative Javier Miguel Benitez ang House Resolution 930 na “commending and congratulating” sa grupo dahil sa kanilang makasaysayang pagtatanghal sa isa sa pinakamalaking music at arts festival sa mundo.

Kinilala rin sa resolusyon ang kontribusyon ng BINI sa pagpapalaganap ng talento at kulturang Pilipino sa pandaigdigang entablado.

Binubuo ang P-pop group nina Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha, Jhoanna, at Sheena, kinanta ng grupo ang ilan sa kanilang mga hit songs tulad ng “Pantropiko,” “Karera,” at “Shagidi” sa kanilang high-energy debut sa festival.

“Their performances weren’t just a win for the fans, it was a massive milestone for our creative industries,” ani Benitez sa kanyang social media post.

Samantala, naghain din si Rachel Marguerite Del Mar ng House Resolution 934 na kumikilala hindi lamang sa BINI kundi pati kay Sophia Laforteza ng Katseye para sa kanilang Coachella performance.

Ayon sa resolusyon, ang kanilang tagumpay ay nagbigay ng karangalan at pagkilala sa Pilipinas sa larangan ng musika sa buong mundo.