-- Advertisements --

Lubhang nag-alala ang direktor na si Jun Robles Lana tungkol sa pag-taas ng presyo ng sinehan sa 51st Metro Manila Film Festival (MMFF), na aniya’y nakakaapekto sa panonood ng pamilyang Pilipino.

Sa kanyang social media post, binanggit niya na ang MMFF noon ay para sa ordinaryong manggagawa at pamilya, ngunit ngayon, aabot na raw sa P1,500 ang gastos ng isang pamilya para sa apat na miyembro, hindi pa kasama ang pamasahe at pagkain.

Batay sa listahan ng presyo ng sinehan sa NCR, naglalaro ang MMFF tickets mula P360 hanggang P670 depende pa sa sinehan at klase ng upuan. Sa probinsya, aabot ito sa P295 pataas.

Binanggit ni Lana na sa ganitong sitwasyon, nagiging “pribilehiyo” na lamang ang panonood ng sine at nawawala na ang diwa ng “people’s festival.”

Kabilang sa kanyang mga MMFF entry ay ang ”Call Me Mother,” na nakatanggap ng ilang parangal kabilang ang Third Best Picture at Best Actor para kay Vice Ganda. Gayunpaman, iginiit niya na ang tagumpay sa box office ay hindi nagsasaad na kaya ng lahat ng pamilya ang manood at pumunta sa sinehan.

Maraming netizens din ang sumang-ayon sa kanyang opinyon, na nagsasabing mas pinipili na lamang nila ang panonood sa streaming platforms dahil sa mataas na presyo ng ticket sa sinehan.

Hanggang ngayon, wala pang opisyal na pahayag mula sa MMFF organizers tungkol sa isyu ng ticket pricing.

Ang MMFF ay nagsimula noong Disyembre 25, 2025 hanggang Enero 7, 2026, na may walong official entries ngayong taon.