-- Advertisements --

Walang kahirap hirap na agad na inaprubahan ng Senado ang judiciary budget para sa taong 2023 na kakailanganin ng sangay ng hudikatura ng bansa.

Ito’y matapos na walang mga senador ang gustong mag-interpellate sa budget ng kanilang co-equal branch ng gobyerno.

Kasama sa judiciary budget ay ang hinihinging mga pondo para sa Supreme Court, lower courts, Presidential Electoral Tribunal, Sandiganbayan, Court of Appeals at Court of Tax Appeals.

Ayon kay Senate Committee of Finance chairman at Sen. Sonny Angara nasa halagang P53.3-bilyong piso ang budget ng hudikatura para sa susunod na taon sa ilalim ng committee report.

Dagdag pa ni Angara, ang budget umano ng hudikatura ay bahagyang mas mataas kaysa sa P52.72-bilyon na ibinigay sa ilalim ng National Expenditures Program (NEP).

Samantala sa isa pang budget hearing ng plenaryo, sinamantala ni Senator Risa Hontiveros ang pagkakataon upang ungkatin sa Philippine National Police ang ukol sa hostage taking incident kay former Senator Leila de Lima noong nakaraang buwan.

Tinanong ng senadora kung paano daw ang ginagawang seguridad sa loob ng bilangguan upang maiwasan umano na maulit pa ang nangyaring insidente.

Ipinunto ni Sen. Hontiveros na ang hostage-taking ay nag-iwan ng maraming katanungan lalo sa kaligtasan ni De Lima sa loob ng PNP Custodial Center. (with reports from Bombo Allaiza Eclarinal)