Bakas ang kaligayahan at excitement nina Judy Ann Santos at Direk Brillante Mendoza matapos mapili ang pelikulang “Mindanao” bilang pambato ng Pilipinas sa 2021 Academy o mas kilala bilang Oscar Awards.
Bida sa nasabing war drama film si Juday sa ilalim ng direksyon ni Mendoza.
Para sa 60-year-old award-winning director at sa 42-year-old actress, mayroon pa rin palang good news at maipagpapasalamat sa kabila ng hindi pa natatapos na pandemya sa bansa.
Sa anunsyo ng Film Academy of the Philippines, official entry ng bansa ang “Mindanao” partikular sa international feature film category sa 93rd Oscar Awards.
Kung maaalala, big winner ang “Mindanao” sa Metro Manila Film Festival noong nakaraang taon matapos humakot ng 11 parangal.
Kabilang dito ang major awards na Best Director para kay Mendoza, Best Actress si Juday, Best Actor si Allen Dizon, at pati Best Picture.
Kuwento ito ng isang Muslim na ina na nag-aalaga sa kaniyang anak na may cancer, habang ang kaniyang asawa ay nasa digmaan.
Batay sa impormasyon, mula nang sumali ang Pilipinas sa naturang Foreign Language Film category ng Oscar ay hindi pa nakakapasok kahit man sa final cut of nominees na limang pelikula.
Noong nakaraang taon, ang pelikulang “Verdict” ang naging entry ng Pilipinas.