Nahaharap ngayon sa kontrobersya si dating Cleveland Cavaliers guard JR Smith matapos nitong bugbugin ang isang lalaki na umano’y nanira sa kanyang sasakyan habang nagpoprotesta sa Los Angeles nitong Linggo kaugnay sa pagpatay kay George Floyd.

Sa lumabas na video, makikita si Smith na tinatadyakan at sinusuntok ang isang lalaki bago ito makatakbo at makatakas.

Naglabas din ng video si Smith kung saan ipinaliwanag nito na kaya raw siya nambugbog ay dahil binasag at binalasubas ng hindi pa natutukoy na lalaki ang kanyang sasakyan habang naka-park sa isang residential area.

“I chased him down and whupped his ass,” ani Smith.

Iginiit din ni Smith na ang kanyang ginawa sa lalaki, na isang puting Amerikano, ay walang kaugnayan sa kanilang protesta.

“This ain’t no hate crime,” giit ni Smith.

Naging 14-year NBA veteran si Smith na nasilayan sa 11 laro sa Cavaliers noong huling season.