-- Advertisements --

Naisapinal na ang pagharap ng Pinoy MMA fighter na si Joshua Pacio kay Japanese striker Keito “Pocket Monk” Yamakita.

Nakatakda ang laban ng dalawa sa November 18, 2026 sa Ebara Wave Arena Ota sa Tokyo, Japan.

Dedepensahan ni Pacio ang kaniyang ONE Strawweight MMA title laban sa Japanese star na itinuturing ngayon bilang isa sa pinaka-delikadong challenger sa ilalim ng Strawwight division dahil sa kaniyang strikes at grappling skills.

Unang nakuha ni Pacio ang naturang belt noon pang 2018 nang siya ay 22 anyos pa lamang.

Bagaman agad din itong nawala sa kaniya, muli niya itong nakuha at nagawa niya itong depensahan sa tatlong magkakasunod na laban hanggang tuluyan itong maagaw ng kaniyang karibal na si Jarred “The Monkey God” Brooks noong 2022.

Noong 2024, muli niyang nakuha ang kaniyang belt sa isa ring rematch kay Brooks at pagsapit ng 2025, naipanalo niya ang unification bout sa trilogy match kay Brooks at tuluyan siyang naideklara bilang undisputed king sa naturang division.

Ayon sa One Championship, magiging kaabang-abang ang bakbakan ng dalawang batikang MMA fighter dahil sa kanilang magkaibang skills.

Kilala ang Pinoy star sa kaniyang maliliksing strikes at submission skills habang ang Japanese fighter ay kilala sa kaniyang wrestling at ground control.