-- Advertisements --

Matagumpay na naipagtanggol ni Filipino mixed martial arts star Joshua Pacio ang kanyang ONE Strawweight MMA World Championship matapos pataubin si Mansur Malachiev ng Russia sa pamamagitan ng rear-naked choke sa main event ng ONE: The Inner Circle 21 na ginanap sa Lumpinee Stadium sa Bangkok, Thailand nitong Biyernes.

Tinapos ni Pacio ang laban sa loob lamang ng unang round matapos mawalan ng malay si Malachiev sa mahigpit na submission hold sa oras na 4:23.

Sa simula ng laban, agad na ipinakita ni Malachiev ang kanyang lakas sa grappling nang maibaba niya si Pacio sa lona at isagawa ang face crank at rear-naked choke. Gayunpaman, nanatiling kalmado ang kampeon at nagawang makaalpas sa alanganing sitwasyon.

Nagawang baligtarin ni Pacio ang posisyon hanggang sa makuha ang likuran ng Russian challenger, bago tuluyang ikandado nang isang mahigpit na rear-naked choke.

Bagama’t hindi agad sumuko si Malachiev, nawalan ito ng malay dahil sa higpit ng submission hold, dahilan upang ihinto ng referee ang laban at ideklarang panalo si Pacio sa pamamagitan ng technical submission.

Ito ang ikalawang paghaharap ng dalawang atleta matapos unang magtapat sa ONE Fight Night 15 noong 2023, kung saan tinalo rin ni Pacio si Malachiev sa pamamagitan ng unanimous decision.

Bukod sa matagumpay na title defense, tumanggap din si Pacio ng US$50,000 performance bonus mula kay ONE Championship Chairman at CEO Chatri Sityodtong bilang pagkilala sa kanyang lakas at husay.