Posibleng irekonsidera ng pamahalaan ng Pilipinas ang joint patrol exercises sa West Philippine Sea kasama ang ibang bansa, ayon kay National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr.
Ayon kay Esperon, kasalukuyang itinigil ang joint patrol exercises dahil hindi nakikita ng pamahalaan na makakatulong ito sa pagkamit ng kapayapaan sa West Philippine Sea.
“For now, we have put them on hold for several reasons but we will consider them again as the situation develops. For now, we think that getting into military exercises in the area don’t contribute much to peaceful South China Sea or West Philippine Sea. We will continue to evaluate that however,” ani Esperon.
Magugunita na Agosto ng kasalukuyang taon nang sinabi ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na pinagbawalan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga tropa ng pamahalaan na makibahagi sa naval exercises kasama ang ibang mga bansa.
Ayon kay Lorenzana, layon ng direktibang ito ng punong ehekutibo na maiwasan na lumala pa ang tensyon sa West Philippine Sea.
Para naman kay presidential spokesperson Harry Roque, ang desisyon na ito ay salig sa independent foreign policy ng pamahalaan.