Pinagtibay ng Bureau of Internal Revenue ang isang Joint Memorandum Circular na siyang layon na mas mapalago ang mga investments dito sa bansa.
Ayon sa isinapublikong pahayag ng kawanihan, kanila itong ginagawa at plano pang mas lalong pagtibayin para makapang-akit ng maraming local and foreign investors sa Pilipinas.
Kaya’t kanilang ipagbubuti umano na mapadali pa ang proseso ng pagnenegosyo sa bansa upang makapanghikayat ng mga negosyante at investors.
Ibinahagi pa ng Bureau of Internal Revenue na ito’y kanilang maisasakatuparan sa pamamagitan ng aktibong pakikibahagi sa Investment Facilitation Network (INFA-NET) kung saan kabilang rito ang nasa 36 ahensya ng gobyerno.
Bunsod nito’y ipinag-utos ni Bureau of Internal Revenue Commissioner Romeo D. Lumagui Jr. sa lahat ng mga opisina ng kawanihan na kanilang gawing prayoridad ang pag-asiste lalo na sa mga local at foreign investors.
Aniya, patuloy na gagawin ng Bureau of Internal Revenue ang mga hakbang para makapang-akit ng mas maraming investors sapagkat paliwanag niya’y parte ito ng tinatawag na nation-building.
Kung saan binibigyang halaga at pagkilala ang pagtutulungan ng pampubliko at pribadong sector sa lipunan ng bansa.